RAGAY, Camarines Sur - Nauwi sa trahedya ang reunion ng mga magkakaklase sa high school sa Ragay, Camarines Sur nitong Lunes matapos malunod ang isa sa kanila.
Patay ang 21-anyos na si Rodolfo Villarez, Jr. nang mag-dive ito sa ilog at tumama sa isa niyang kasamahan sa ilalim ng Paculago River sa Barangay GRS.
Ayon kay Barangay Captain Abel Mercado, sa ilog ginanap ng magkakaklase ang kanilang reunion.
Habang nagkakasiyahan daw at nang makainom ng alak ay umakyat daw sa mataas na parte ng gilid ng ilog ang mga lalaki at isa-isang nag-dive.
May nauna raw na tumalon bago ang biktima. Hindi pa raw natatagalan ay tumalon na rin ang biktima subalit tumama siya sa kanyang kasamahan na nasa ilalim pa ng tubig.
Hindi raw agad lumutang ang dalawa na akala ng mga kasamahan ay nagbibiro lang.
Nang hindi pa raw sila lumutang, nagpasiya na ang magkakaibigan na hanapin sa ilalim ng tubig ang dalawa.
Sinubukan pa raw ng magkakaibigan na isalba ang biktima subalit hindi na ito nagising. Ilang oras pa bago nadala sa highway ang biktima at masundo ng rescue personnel.
Dead on arrival ang biktima sa Ragay District Hospital.
Ang lalaki naman na tinamaan ng biktima ay sugatan din at nagpapagaling ngayon sa pagamutan.
Ayon kay Mercado, nagtaka siya kung bakit doon pa naisipan ng mga bata na mag-reunion.
Bukod daw kasi na malayo ang lugar ay lubhang delikado ito. Malalim ang tubig at malakas daw ang current dito.
Ayon naman kay Mang Rodolfo Villarez Jr., tatay ng biktima, wala raw siyang sinisisi at nais papanagutin sa pangyayari. Aksidente raw ito.
Sana raw ay maging maingat ang mga kabataan sa pagpunta sa mga ilog upang mag-outing.
Nagpasiya ang Sangguniang Barangay ng Barangay GRS na ipagbawal na ang paliligo o outing sa Paculago River. —KG, GMA News