Nakauwi na sa Pilipinas mula sa Kuwait ang OFW na ina ng 15-anyos na si Fabel Pineda, na minolestiya at pinatay umano ng dalawang pulis sa Ilocos Sur matapos na magsampa ng reklamo.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras,” Lunes ng hapon nang dumating sa Pilipinas ang ina ni Pineda kasabay ang higit 300 na iba pang OFW na ni-repatriate mula sa Kuwait.
“Anak, nakauwi na ako. Nandito na ako. Makikita kita bangkay ka na,” emosyonal na sabi ng ginang.
Ayon sa nagluluksang ina, hindi na muna siya mag-a-abroad muli para matutukan ang kaso ng kaniyang anak.
“Ang masasabi ko lang, pagbayaran nila ‘yung kanilang ginawa,” saad ng ginang patungkol sa mga akusadong sina Police Staff Sergeants Randy Ramos at Marawi Torda.
“Bakit naman ganiyan ang ginawa niyo sa anak ko? Ano bang kasalanan niya? Wala naman siyang kasalanan, walang kamalay-malay, bakit niyo ginano’n, pinatay [na] karumal-dumal?” hinanakita niya.
Umapela rin ang ginang kay Pangulong Rodrigo Duterte na pabilisin ang paggulong ng kaso ng kaniyang anak.
“Nagpapatulong po ako sa inyo para makamit ko ang hustisya ng anak ko. ‘Yun lang po ang gusto ko,” aniya.
Dahil galing sa ibang bansa, kinakailangan pang sumailalim ni Gng. Pineda sa mandatory quarantine ng 14 araw bago makauwi sa Ilocos Sur. Kaya naman nakikiusap siya sa gobyerno na pagbigyan na lang siya sa pagkakataon na ito.
Nasampahan na ng kasong murder ang dalawang suspek.
Inalis na rin umano sa puwesto ang mga pulis sa Cabugao at San Juan Municipal Police Stations sa Ilocos Sur, habang nahaharap naman sa obstruction of justice charges ang hepe ng Cabugao police. --Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News