Isang batang lalaki ang nakuryente at na-videohan pa habang nakabitin nang patiwarik sa isang poste na may taas na 40 talampakan. Nangyari ang sakuna nang tangkain daw ng bata na kunin sa poste ang sumabit niyang saranggola.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nagtamo ng sunog sa katawan at mukha ang bata nang makuryente nang akyatin ang poste.

Sa kabila nang kaniyang sinapit, mapalad pa rin ang bata dahil sumabit ang isa niyang binti sa bakal kaya hindi siya tuluyang bumagsak at napalambitin nang patiwarik.

Dahil naman sa pagkabigla at takot ng mga saksi na baka sila man ay makuryente, hindi kaagad sila nakakilos para akyatin ang bata upang tuluyang masagip.

Hanggang sa isang kaibigan ng pamilya ang naglakas na nang loob upang kunin sa pagkakabitin ang bata para madala sa ospital. Ang ama ng bata, matinding emosyon ang naramdaman sa sinapit ng anak.

Tunghayan ang ginawang pagliligtas sa bata at ang hiling niyang laruan para hindi na raw siya muling magsasaranggola. Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News