Lagpas 100 na ang mga healthcare workers sa Central Visayas na tinamaan ng COVID-19 sa huling tatlong buwan, ayon sa tagapagsalita ng Department of Health Region 7.
Sinabi ni DOH-7 spokesperson Dr. Mary Jean Loreche na ang datus na ito, na nagpapakitang 111 na health workers na ang may COVID-19, ay simula nitong Abril hanggang ngayong buwan.
Sa ngayon naghihintay pa ng update ang DOH sa mga hospital kung ilan na ang gumaling sa mga healthcare workers na natamaan sa naturang sakit.
Ayon sa pinakahuling tala ng DOH nitong Sabado, lumampas na sa 54,000 ang mga tinamaan ng COVID-19 matapos madagdagan ito ngayon ng 1,387 na kaso. -MDM, GMA News