Binabantayan ang isang barangay sa Kidapawan City matapos na may maitalang 11 kaso ng dengue kasunod ng mga pag-ulan noong nakaraang linggo.
Dahil dito, sinabi ni Mayor Joseph Evangelista, na dalawang virus ngayon ang kanilang sinusubaybayan--ang dengue at coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang dengue cases ay naganap umano sa Barangay Ginatilan.
Problema naman ng lungsod ang blood platelets para sa mga pasyenteng mangangailangan ng blood transfusion dahil hindi umano kayang gumawa nito ang City Blood Bank.
Ayon sa alkalde, hindi na gumagana ang refrigerated centrifuge ng Blood Bank mula pa noong Mayo 5.
Ang centrifuge ay makina na ginagamit para maiwalay sa dugo ang red blood cells, platelet, at plasma.
Dahil dito, kailangan pang ilipat sa mas malaking ospital sa Davao City o Cotabato City ang dengue patient na kakailanganin ang platelet transfusion.
Hiniling na umano ni Evangelista sa Sangguniang Panlungsod na aprubahan ang supplemental budget na nagkakahalaga ng P13 milyon, na ang kalahati ay ilalaan sa pagkuha ng bagong refrigerated centrifuge.
Ang nalalabing bahagi ng pondo ay gagamitin naman para sa mga proyektong may kaugnayan sa pagtugon sa problema ng COVID-19 kabilang na ang medical supplies.
Ayon kay Evangelista, hindi pa umano naaprubahan ng Sanggunian ang pagpapalabas ng naturang pondo.
“We just hope and pray that we won’t have many severe dengue cases that need platelet transfusion, or else, we will transfer them to bigger hospitals with refrigerated centrifuge,” anang alkalde.--FRJ, GMA News