Isang grupo na nagbebenta ng pekeng ginto via online ang nasakote ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa San Mateo, Rizal.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing naaresto ng NBI-Anti-Cybercrime Division ang tatlong suspek sa pamamagitan ng entrapment operation.
Nakuha sa mga suspek ang isang pekeng bara ng ginto, at isang tipak ng pekeng ginto.
Ayon kay Michelle Valdez, executive officer, NBI-CCD, inaalok sa internet ang mga pekeng ginto at pinapalabas ng mga suspek na ipinuslit mula sa mga minahan sa Mindanao.
Para mapaniwala umano ang kanilang bibiktimahin, sinabi ni Valdez, na gumagamit ng tunay na powder gold ang mga suspek kapag unang ipinasuri ang produkto.
Paliwanag naman ng isa sa mga suspek na si Jerlie Mariano, ginawa niya ang ilegal na gawain dahil naloko rin daw siya dati at sa hirap ng buhay.
Samantala, iginiit naman ng isa pang suspek na retiradong sundalo na si Roberto dela Pena, nagamit lang siya ng grupo
Paalala naman ng NBI sa publiko, huwag basta magtitiwala sa mga katransaksyon sa internet.--FRJ, GMA News