Habang nananatili ang panganib sa kalusugan ng coronavirus disease 2019, nadagdagan ang alalahinin ng ilang residente sa Calamba, Laguna matapos na magpositibo sa poliovirus 3 ang isang sapa sa lugar.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng City Health Office na sinimulan nilang suriin ang tubig sa Ligasong creek noong Oktubre 2019, at nakita nila ang polio virus nito lang nakaraang buwan.
Ang naturang sapa ay nasa pagitan ng Barangay Bucal at Barangay Halang.
Nakadagdag naman sa pangamba ng mga residente ang Facebook post ng Sangguniang Barangay ng Bucal, na nagbibigay ng babala sa mga tao sa pag-inom ng NAWASA water na dapat pakuluan.
"Siguraduhin po natin na hindi kontaminado ang ating iniinom na tubig at iwasan po na tayo ay makainom galing sa NAWASA na hindi napapakuluan lalo't higit sa mga bahayan na malapit sa nasabing lugar," saad sa post.
Pero tiniyak ng City Health Office, na ligtas inumin ang tubig na sinusuplay ng Calamba Water District (CWD), na sinasabing pinapatungkulan sa post.
"Hindi naman para mag-alala o matakot ang mga tao lalong-lalo na pagdating sa ating iniinom na tubig dahil ito ay hindi naman kontaminado," sabi ni Dr. Adelino Labro. "Lalong-lalo na 'yung mga nanggaling sa Calamba Water District."
Ayon sa CWD, wala pa silang natatanggap na ulat tungkol sa test result sa sapa.
Nilinaw din nila na hindi konektado sa sapa ang pinagkukunan ng tubig ng CWD.
Sinabi naman ni Delfin de Claro, punong barangay ng Bucal, walang koordinasyon sa kaniya ang naturang post ng Sanggunian.
Kinalaunan, nag-post muli ang Sangguniang Barangay ng Bucal para linawin na hindi kontaminado ng polio virus ang tubig na galing sa CWD.--FRJ, GMA News