Nauwi sa suntukan ang gitgitan sa paradahan ng dalawang tricycle driver sa Laoag, Ilocos Norte. Pero kinalaunan, nagkabati rin ang dalawa nang malamang magkumpare pala sila at 'di lang nakilala ang isa't isa dahil sa suot na face mask.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita sa video ang dalawang tricycle driver na naggirian muna sa gilid ng kalsada.

Ang isa, nanatili sa kaniyang tricycle habang kinokompronta ng isa pang tricycle driver na kulay dilaw ang kasuotan at bumaba naman sa kaniyang sasakyan.

Pero nang bumalik na sa kaniyang tricycle ang lalaking nakadilaw at tumabi sa sasakyan ng kaniyang nakagirian, ang isa naman ang kumilos at itinumba ang tricycle ng nakadilaw.

Kasunod nito ay inupakan na niya ang lalaking nakadilaw habang nakatumba dahil sa pagkakaipit sa tricycle.

Hanggang sa inawat na sila ng mga traffic enforcer at dinala sa presinto.

Inilahad ng pulisya na nagkagitgitan umano ang dalawa dahil sa unahan sa paradahan.

Pero nagkabati rin ang dalawang driver kinalaunan at sinabing hindi lang umano nakilala ang isa't isa dahil sa mga suot nilang face mask.

"Nagkausap naman at nalaman na magkumpadre pala sila," sabi ni Police Lieutenant Colonel Amador Quiocho ng Laoag City Police.--Jamil Santos/FRJ, GMA News