Patay ang isang sakristan matapos saksakin ng isang matadero sa Angeles City, Pampanga. Ang biktima, pinagbintangan umano ng suspek na kumuha ng susi ng kaniyang motorsiklo.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Reynald Santos ng Barangay Pulung Maragul, Angeles City.

Nakatakas naman ang suspek na si Rodrigo Navarro.

Ayon sa ina ng biktima,  lasing umano ang suspek at pinagbintangan nito ang biktima na kumuha ng susi ng kaniyang motorsiklo.

Inaya pa raw ng suspek ang biktima na puntahan ang nakaparadang motor at doon nakita na hindi naman pala nawawala ang susi ng sasakyan.

Pero nagalit pa rin daw at naghamon ng away si Navarro at agad na inundayan ng saksak ang biktima.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek na nasangkot na rin daw noon sa insidente ng pananaksak. --FRJ, GMA News