Pinagkaguluhan ng mga tao ang sangkaterbang isdang tamban na napadpad sa baybayin sa Dipolog, Zamboanga del Norte.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabing kaniya-kaniyang diskarte ang mga residente sa paghuli sa mga tamban nitong Linggo ng gabi.
Matatandaan na nitong nakaraang Enero 14, sangkaterbang tamban din ang napadpad sa naturang lugar.
Halos taon-taon na raw na nangyayari ito sa lungsod na itinuturing biyaya ng mga residente.
Paliwanag naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources,
nangyayari ang paglapit ng mga tamban sa baybay dahil naghahanap umano ang mga isda ng malamig na lugar at pagkain. --FRJ, GMA News