Dinakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang pitong nagbebenta umano ng fossilized giant clams o taklobo sa Calatagan, Batangas. Paliwanag ng isang nadakip, sa bundok nahukay ang kanilang mga ibinebenta.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Miyerkoles, sinabing sumalakay ang mga operatiba ng NBI nang makumpirma ang bentahan ng mga taklobo, na itinuturing nang endangered o nanganganib maubos.
Ibinebenta raw ng mga suspek ang mga taklobo sa halagang P20,000 bawat kilo, at kaya raw magbagsak ng grupo ng hanggang 10 tonelada.
Naisagawa ng NBI ang operasyon matapos silang makakuha ng tip sa kanilang impormante tungkol sa iniaalok na mga taklobo.
Depensa ng isa sa mga suspek, sa bundok nahukay ang mga taklobo na kanilang ibinebenta at hindi nanggaling sa dagat.
Kinumpiska ng NBI ang mga taklobo na nasa 200 kilo at tinatayang milyon ang halaga. --FRJ, GMA News