Palaisipan pa rin kung ano ang nangyari sa isang pulis na isang taon nang nawawala matapos na sunduin ng kapwa niya pulis sa Laguna. Ang pulis na sumundo at nakabalik noon sa duty, napatay naman ng riding in tandem.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing Enero 7, 2018 nang iulat na nawawala ang 29-anyos na si Police Private First Class Jonathan Galang, na nakatalaga sa Drug Enforcement Group ng Mabitac, Laguna Municipal Police station.
Walang makuhang impormasyon ang mga pulis na may hawak ng kaso ni Galang. Pero batay sa kuha ng CCTV nang araw na mawala ang biktima, nakitang sinundo siya ng kapwa niya sa pulis na si PFC Gerald Bonifacio, na sakay ng motorsiklo sa himpilan ng pulisya dakong 10 a.m.
Bumiyahe ang dalawa pagtungong sa karatig na bayan ng Siniloan at iyon na ang huling pagkakataon na nakita siya.
Nakabalik sa istasyon ng pulis si Bonifacio at itinuring siyang person of interest sa pagkawala ni Galang. Pero makaaraan lang ang ilang araw, napatay naman siya ng riding in tandem.
Halos kasabay umano ng naturang insidente ang pagdating ng dalawang kahina-hinalang lalaki na tinangka raw pasukin ang boarding house ni Galang pero hindi nila nagawa dahil dumami ang tao.
Hinala ng pamilya ni Galang, may kinalaman sa sinapit ng nawawalang pulis ang nahuli nitong bigtime na drug pusher.
Sabi ng kaanak ni Galang, nagbanta raw noon ang drug pusher na kapag nawala ito ay isa lang sa kanila ang puwedeng mabuhay.
Patuloy na pag-iimbestiga sa pagkawala ni Galang at sumama na rin sa paglutas ng kaso ang PNP-CIDG.
Ang mga magulang ni Galang, humihingi ng tulong sa sino man na makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng kanilang anak. --FRJ, GMA News