Bukod sa winasak ang mukha, nagtamo rin ng napakaraming saksak at halos wala nang laman ang lalamunan ng 16-anyos na babaeng natagpuang patay sa Lapu-Lapu City, Cebu noong Lunes.



Sa panayam ng GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, nilinaw ng pulisya na hindi nawala ang lamang-loob ng biktimang si Christine Silawan pero halos wala nang laman ang lalamunan niya.

"Intact po 'yung kaniyang abdomen. Ang nawala lang po 'yung skin ng mukha niya, siguro 'yung dila niya hanggang dito sa leeg, dahil nilaslas po iyon ng matalas na bagay," ayon kay P/Col. Lemuel Obon, hepe ng Lapu-Lapu City Police.

"Halos wala nang laman 'yung dito sa may leeg niya, 'yun ang binabanggit ng ating medico legal officer ng PNP," dagdag pa niya.

Batay sa resulta ng autopsy, walang indikasyong ginahasa ang biktimang si Silawan, na walang saplot pang-ibaba nang matagpuan ang bangkay.

Napag-alaman din sa resulta ng awtopsiya na isang malalim na saksak sa leeg ang tinamo ng biktima, siyam sa upper extremities, at dalawampu sa iba't iba pang bahagi ng katawan.
 
Pinabulaanan naman ng pulisya na may ginamit ding asido ang suspek sa karumal-dumal na krimen.

"Nakalapit po ako personally doon sa bangkay, wala pong nag-emit na foul odor na indicative na may acid," paliwanag ni Obon.

May mga nakitang underwear at iba pang gamit malapit sa crime scene pero hindi raw ito pag-aari ng biktima.



Hinala ng pulisya, inilagay lang ng mga suspek ang mga ito para guluhin ang imbestigasyon. Posible raw na pinatay sa ibang lugar ang biktima bago iniwan sa bakanteng lote.

May lead na umano ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng pangunahing suspek sa krimen pero hindi muna nila ito idinetalye para hindi maapektuhan ang isinasagawang operasyon.

Mula sa P100,000, itinaas na sa P1 milyong pabuya ang lokal na pamahalaan sa sinumang makapagtuturo para madakip ang mga salarin.

Sasagutin na rin umano ng lokal na pamahalaan ang pagpapalibing kay Silawan habang handa namang magbigay ng legal assistance ang Integrated Bar of the Philippines sa pamilya ng biktima.-- FRJ, GMA News