Limang bagong biktima umano ng pagsasamantala ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy ang lumapit sa mga awtoridad. Ang mga biktima, sinasabihan umano na pases nila para makarating sa langit ang makipagtalik sa "espiritu ng diyos." Ang kampo ni Quiboloy, tiwala na mababasura ang mga kaso.
Sa press briefing nitong Huwebes, tinawag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na “horrible” ang detalyeng ibinigay ng mga biktima kaugnay sa kanilang naranasan umano kay Quiboloy.
“As to the details at medyo sensitibo yung mga detalyeng binigay doon at kung kayo siguro yung makakakinig medyo...horrible is for lack of better word po. Medyo ganun ang pagkuwento sa akin,” sabi ni Fajardo.
“So just can't imagine a minor being sexually molested by an individual at sinasabi po nila as early as 12 or 13 years old they were allegedly sexually molested by Apollo Quiboloy,” dagdag niya.
Ayon kay Fajardo, sinabihan umano ang mga biktima na pases nila para makarating sa langit ang pakikipagtalik kay Quiboloy.
“Ang isang sinasabi is diyos ang kanilang pinagsisilbihan at kung anuman yung gagawin nila ay 'yon yung parang kanilang passes to heaven,” anang opisyal.
“Pagkatapos gamitin diumano ni Pastor Quiboloy itong mga bata, ang sinasabi sa kanila they are still pure, intact pa rin yung kanilang pagkababae dahil ang nakipagtalik sa kanila ay 'espiritu ng diyos',” patuloy ni Fajardo.
May takdang araw umano ang mga biktima sa bawat linggo kung kailan makikipagtalik kay Quiboloy.
“Yun din po ang sinabi sa atin. Itong particular na bata na 'to pang-Lunes, ikaw ay pang-Tuesday, ikaw ay pang-Wednesday. At paulit-ulit, not once, not twice,” ayon kay Fajardo.
Banta ng 'Angels of death'
Sinabi pa ni Fajardo, na pinagbantaan umano ang mga biktima na hahabulin sila ng "angel of death" kapag ipinaalam sa iba ang ginagawa sa kanila ni Quiboloy.
“They are being threatened na kapag sila ay i-break nila ang code of secrecy at sabihin nila kanino man yung kanilang naranasan sa kamay po ni Apollo Quiboloy ay iha-hunt sila ng ‘angels of death’,” ani Fajardo.
“Well, hindi natin alam kung ito bang ‘angels of death’ ay literally mga sinasabing goons ni Quiboloy or just a figurative speech na sinasabi para takutin ang mga bata. Kasama po yan sa ginagawa po nating imbestigasyon, dagdag niya.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Davao City Police chief Police Colonel Hansel Marantan, na nakapanayam ng mga awtoridad ang limang kabataang biktima na ginahasa umano ni Quiboloy.
“All members of the pastoral community, and in unison, while in tears, they said that the named pastor sexually molested them,” ani Marantan.
“He raped them when they were as young as 13 years old and threatened them with the ‘angels of death’ if they broke the code of secrecy,” dagdag nito.
Hindi rin umano nagtitiwala noon ang mga biktima sa mga awtoridad dahil sa paniwala nila na takot din ang mga pulis at militar kay Quiboloy at sa KOJC.
“If we do not act and remain passive despite the reports of women being taken advantage of, it is as if we are allowing our future to be exploited,” sabi ni Marantan.
"Mababasura ang kaso"
Tiwala naman ang isa sa mga abogado ni Quiboloy na si Atty. Mark Tolentino, na mababasura rin ang mga kaso laban sa kaniyang kliyente.
“Anong nangyari four years na dismissed itong kaso based on probable cause, dismissed,” sabi ni Tolentino, na iginiit na inosente ang kaniyang kliyente hanggang hindi napapatunayan ng korte na guilty.
“Ngayon pa na sabi ng Department of Justice na hindi lang probable cause ang kailangan. Kailangan nila ng prima facie evidence with reasonable certainty of conviction. So we’re very optimistic na ma-dismiss,” dagdag niya.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" sinabi ni Tolentino na "planted" ang mga sinasabing bagong biktima ni Quiboloy.
Iginiit niya na hindi magagawa ni Quiboloy ang ipinaparatang na mang-abuso ng bata.
Hinamon niya ang pulisya na maglabas ng ebidensiya at isampa ang kaso.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang tugon ni KOJC legal counsel Atty. Israelito Torreon, tungkol sa mga alegasyon umano ng mga bagong biktima.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News