Kabilang ba si Empoy Marquez sa mga komedyante na mahusay magpatawa sa harap ng camera pero seryosong tao o tahimik lang sa totoong buhay?

Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," tinanong ni Pia si Empoy kung tunay ang kasabihan sa showbiz na seryoso sa totoong buhay ang mga komedyante.

"Totoo 'yan," ayon kay Empoy. "In real life talaga [seryoso ako]."

"Meron akong side na ganu'n na gusto ko minsan na mag-isa, gusto ko lang magbisikleta, gusto ko lang magbasa ng libro somewhere sa bukid o something, bundok o kung saan man ako pumunta," dagdag niya.

Ayon kay Empoy, na laking Baliuag, Bulacan, paraan niya ito para mag-"recharge" mula sa trabaho.

"Kailangan ko 'yon eh. Nakaka-recharge ako sa ganu'n. And then kapag back to work na, siyempre, ayun na ulit, ang dami nang tao ulit. Okay naman ako," paliwanag niya.

Hindi itinanggi ni Empoy na nakararamdam din siya ng pressure sa pag-udyok sa kaniya ng ilan na magpatawa kapag nakikita siya ng mga ito.

"May ganiyan, Ms. P (Pia). Akala nila robot ako," natatawa niyang sabi.

"Pero naramdaman ko 'yung, medyo tumatagal na, kailangan ko palang matulog 'pag wala ako sa eksena. Para paggising ko, meron akong energy," dagdag niya

Sa naturang panayam din, sinabi ni Empoy na single and ready to mingle siya ngayon. --FRJ, GMA Integrated News