Masama ang loob ng isang negosyante sa Bengued, Abra dahil bukod sa sinalanta na siya ng bagyong "Ompong," nanakawan pa siya.
Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing kabilang si Wilma Tadeo sa mga residente ng Barangay Santa Tosa sa Bengued sa mga lumikas dahil sa bagyo nitong nagdaang Sabado.
Pero pagbalik nila sa kanilang bahay kinaumagahan, laking gulat nila nang napansing puwersadong nabuksan ang pinto sa likod ng kanilang bahay.
Pinasok din ng hindi pa nakikilalang salarin ang kaniyang kuwarto kung saan nakalagay ang kaniyang mga alahas na nawawala na.
Aabot umano sa mahigit P200,000 ang halaga ng mga alahas na ninakaw.
"Nakakalungkot dahil 'yung mga 'yon eh since 1983, napag-ipunan namin installment. Nabili ko po 'yung mga 'yun eh biglang nawala na ganun lang na parang bula," hinanakit ni Tadeo.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang nangyaring panloloob. -- FRJ, GMA News