Nakuryente ang isang batang babae habang naglalakad sa baha sa kalsada sa Baliuag, Bulacan.
Sa ulat ng "Balitanghali" nitong araw ng Linggo, nakalubog sa baha ang isang kawad ng kuryente nang mapadaan ang 9-anyos na bata na kagagaling lamang sa eskuwela noong Biyernes.
Nadapa ang bata na agad namang sinaklolohan ng kaniyang ina. Ngunit napaupo ang ina nang makuryente nang tangkain niyang damputin ang anak na napuluputan ng live wire.
Sinubukan ng isang lalaki na tumulong, ngunit hindi niya kinaya.
Kumuha na lamang ang ina ng kahoy upang tanggalin ang kawad sa katawan ng bata na nawalan na ng malay sa panahong iyon.
Nasagip din ang bata at agad na naisakay sa ambulansiya na tama namang dumaan sa mga oras na iyon.
Maayos na ngayon ang kalagayan ng bata na nagtamo lamang ng mga galos sa katawan dahil sa pagkakakuryente.
Ayon sa ina ng bata, nangako naman umano ang Meralco-Bulacan na tutulungan sila, ngunit dadaan muna sa proseso bago ito.
Hindi pa nagbigay ng pahayag ang Meralco ukol sa insidente. —LBG/KG, GMA News