Isang dating kagawad ang nasawi matapos siyang suwagin ng kalabaw na kaniyang nirentahan sa San Francisco, Surigao del Norte.



Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing nirentahan lang ng biktimang si Armando Palen ang kalabaw para magamit sa pag-araro sa kaniyang palayan.

Pero nang isasauli na niya ang kalabaw, bigla siyang sinuwag nito.

Nagtamo umano si Palen ng limang malalaking sugat sa kaniyang mga paa at mga pasa sa katawan.

Nasugatan din ang kaniyang anak na kasama niya nang mangyari ang insidente.

Sinabi naman ng may-ari ng kalabaw na unang pagkakataon lang na nanuwag ang kaniyang alaga. -- FRJ, GMA News