Nagising sa mapait na katotohanan ang apat na pulis sa Bacoor, Cavite nang mahuli sila sa akto ng kanilang opisyal na natutulog sa police station sa oras ng kanilang duty. Ang isa, may katabi pa umanong babae na hindi niya asawa.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing naaktuhan sa surprise inspection na isinagawa ng Police Provincial Director ng Cavite na mahimbing na natutulog sina Police Officer 3 Joseph Sahurda, PO3 Kimmy Reyes, PO1 Alzadar Alawi at PO1 Ryan Garcia.
Si Garcia umano ang nakitang natutulog na may kasamang babae na hindi niya asawa.
Bukod sa sermon, pinag-push-up ang mga nabistong tulog na pulis, inalis sa kanilang puwesto, at kakasuhan ng "sleeping while on duty."
Ayon kay Police Chief Superintendent Edward Carranza, Regional Director ng PRO-Calabarzon, pagpapaliwanagin ang apat na pulis.
"I have already instructed my provincial director to conduct evaluation and necessary pre-charge investigation to those policemen who are in violation," anang opisyal.-- FRJ, GMA News