Isang bungo at kalansay ng tao ang natagpuang nakasilid sa isang sako na natagpuan sa bayan ng Pagbilao sa lalawigan ng Quezon noong Martes.
Ayon sa mga pulis-Pagbilao, natagpuan ang sako ng mga batang nangunguha ng gulay sa may madamong lugar Sitio Upper Sapinit sa Barangay Silangan Malicboy dakong 5 p.m.
Inakala umano ng mga bata na mga basurang kalakal ang laman ng sako. Laking gulat raw ng mga ito nang makitang kalansay at bungo ng tao nasa loob.
Photo courtesy: Quezon Provincial Police Office
Agad nila itong ipinag bigay-alam sa Pagbilao Municipal Police Station.
Tinatayang nasa dalawa hanggang tatlong taon na ang ang kalansay ng isang bata sa loob ng sako at makikitang buo pa ang damit ng biktima.
Isinalaysay ng isang posibleng witness na nagtungo sa himlipan ng Pagbilao PNP na noong February 2018, nakita niya ang isang 10-wheeler delivery closed van na nakaparada sa gilid ng highway malapit kung saan nakita ang sako na may lamang kalansay.
Sabi niya, may sako raw na itinapon ang isa sa mga sakay ng truck. Akala raw nila ay basura lang ang itinapon kung kayat hindi nila ito binigyang-pansin.
Dinala na ng PNP Pagbilao sa SOCO ang kalansay upang isailalim sa DNA examination.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng PNP upang alamin kung nasaan na ang nakitang truck na sinasabing sakay nito ang nagtapon ng sako. —Peewee Bacuño/LBG, GMA news