Nahulog sa dagat ang isang pick-up truck na isasakay sana sa isang barge sa Sibulan Port sa Negros Oriental. Nangyari ang aksidente nang maapakan ng driver ang silinyador sa halip  na preno.

Sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, makikita sa dashcam video na dahan-dahan lang ang pag-usad ng pick-up truck nang isasakay na sa barge. Pero bigla itong umarangkada at nahulog sa gilid ng pantalan at napunta sa dagat.

Kasamang nahulog ang mga sakay nito at ilang gamit na nasa loob ng sasakyan.

Mapalad namang hindi tuluyang lumibog sa tubig ang pick-up truck at kaagad na sumaklolo ang mga tao.

Naging mahirap ang paglabas sa mga pasahero na na-trap sa loob ng sasakyan, hanggang sa dumating na ang rescue team.

Galing daw ang pick-up truck sa Dumaguete City at pauwi sana sa Cebu.

Iminungkahi ng Sibulan Police sa pamunuan ng port na maglagay ng railings sa gilid ng pantalan para maiwasan ang disgrasya.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News