Natagpuang patay at may tama ng bala ang isang babae sa gilid ng kalsada sa Talisay City, Cebu nitong Martes. Ang biktima, napag-alaman na kabibili lang ng bahay na 'di kalayuan sa lugar kung saan siya natagpuang nakahandusay.



Sa GMA News "Balita Pilipinas" ni Chona Carreon nitong Miyerkules, kinilala umano ng isang real estate agent ang biktima na si May Albasin, 33-anyos, na naging kliyente niya.

Nakita ang bangkay ni Albasin na may sugat sa hita na hinihinalang tama ng bala ng baril. Nakahandusay ang katawan niya sa gilid ng daanan na hindi kalayuan sa bahay na nabili umano nito limang buwan pa lang ang nakalilipas.

Ayon kay Nilda Demiar, residente ng Barangay Linao, wala raw silang narinig na putok ng baril bago nakita ang bangkay ng biktima.

"Lumabas ako dahil may maingay, baka may humihingi ng donation, pero paglabas ko, ang sabi, may itinapon na babae sa harapan ng bahay namin," kuwento niya.

Ang anak ni Demiar, sinabing may nakita siyang puting SUV na huminto sa lugar pasado 9 a.m. noong Martes bago natagpuan ang bangkay ni Albasin.

May nakuha na raw na kopya ng CCTV ang mga imbestigador sa lugar pero hindi pa sila naglalabas ng detalye tungkol dito.

Patuloy ang kanilang imbestigasyon sa posibleng motibo at kung sino ang nasa likod ng krimen.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News