Labis na nag-aalala ang mga kaanak ng isang 41-anyos na overseas Filipino worker (OFW) dahil 10-araw na itong nawawala mula nang makauwi sa Pilipinas nitong nakaraang Disyembre 2.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, napag-alaman na mag-iisang taon pa lang na nagtatrabaho sa Saudi Arabia si Michael Lomibao, pero pinauwi siya ng kaniyang agency dahil mayroon siyang hypertension.
Sa larawan na ipinakita ng kapatid ni Michael na si Elem Bautista, napag-alaman na dumating ang OFW sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong December 2, 2024, ngunit hindi siya nakauwi sa kanilang bayan sa Mangaldan, Pangasinan.
“Paglabas ng NAIA, 'di na namin alam saan napunta. Tinatawagan namin, 'di namin makontak,” saad ni Bautista.
Lumapit na sa pulisya ang pamilya ni Michael para magpatulong sa paghanap sa kaniya.
“We will do follow-up investigation doon sa whereabouts niya. Hindi natin alam, OFW 'yan, baka may planned activities 'yan pagdating dito sa Pilipinas,” pahayag ni Police Leitenant Colonel Roldan Cabatan, hepe ng Mangaldan Police Station.
Nangangamba ang pamilya ni Michael sa kaniyang kalagayan dahil mayroon umano itong kondisyon sa kalusugan.
“Kinakabahan kami, natatakot. Siyempre, iniisip namin kung anong nangyari, kung nasaan na?” ani Bautista.
“Magparamdam ka. Tumawag ka kahit sino sa mga ate mo. Para alam namin kung nasaan ka," dagdag niya.
Nanawagan din ang pamilya na makipag-ugnayan sa kanila o sa pulisya ng Mangaldan kung may alam silang impormasyon sa kinaroroonan ni Michael.
Elem Bautista - 0970 892 0595 or 0915 461 2471
Mangaldan PNP - 0998 598 5124 or 0950 770 8580
--FRJ, GMA Integrated News