Nangako ang Embahada ng Pilipinas at mga konsulado ng Pilipinas sa Amerika na paiigtingin ang pakikipag-ugnayan nila sa mga opisyal ng US para matiyak ang kapakanan ng mga Pilipino na naninirahan doon. Sa harap ito ng inaasahang pagbabago sa polisiya ng bansa tungkol sa imigrasyon sa ilalim ng paparating na administrasyon ni President-elect Donald Trump.

Sa isang pahayag noong Huwebes, sinabi ng embahador ng Pilipinas at consuls general, na patuloy nilang ibibigay ang mga serbisyong konsular sa mga Pilipino roon, anuman ang kanilang immigration status.

BASAHIN: Lahat ng illegal immigrants, ipapa-deport ni Trump; birthright citizenship, gustong itigil

Nagpulong ang mga opisyal noong Disyembre 10 at 11, upang talakayin ang iba't ibang usapin kaugnay sa mga regulasyon na ipapatupad ng administrasyong Trump, lalo na ang mga polisiya nito laban sa mga dayuhan na ilegal ang pananatili sa kanilang bansa.

"The Heads of Posts understand the uncertainty felt by certain segments of the Filipino community in the United States following recent pronouncements by the incoming administration," ayon sa pahayag.

Binigyang-diin muli ng mga konsulado ang kanilang pangako na magbigay ng nararapat na tulong konsular sa mga Pilipino habang iginagalang ang mga batas ng US.

Sinabi nila na ang mahalagang hakbang ang ginawang pagpupulong upang matiyak ang magkakaisa, coordinated, at epektibong pagtugon sa usapin.

Una rito, sinabi ni Trump na layunin niyang paalisin ang lahat ng mga iligal na imigrante sa US sa loob ng kaniyang apat na taon na termino. Ngunit nais din niyang magkaroon ng kasunduan para protektahan ang mga tinatawag na "Dreamer" immigrants.

Nauna na ring sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, maraming Pilipino na ilegal ang paninirahan sa US ang nag-aalala dahil inaasahan na tutuparin ni Trump ang kaniyang pangakong ipapa-deport ang illegal immigrants. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News