Mahigpit na pinaalalahanan ng Philippine Embassy sa Republic of Korea ang mga Pinoy na nasabing bansa na huwag makikilahok sa mga nagaganap doon na mga protesta o rally upang hindi magkaproblemang legal.
Sa inilabas na abiso ng embahada nitong Linggo, ipinaalala na mahigpit na ipinagbabawal ng pamahalaan ng S. Korea na lumahok sa mga protesta ang mga dayuhan sa ilalim ng kanilang Immigration Control Act (Sojourn and Departure of Foreigners).
“Nais pong ipaalala ng Embahada ng Pilipinas sa lahat ng mga Pilipino sa South Korea na umiwas sa pakikilahok sa anumang protesta, rally, o pamplublikong demonstrasyon,” saad sa abiso.
“Inaabisuhan ng Embahada ang lahat ng ating mga kababayan na sumunod sa mga lokal na batas at regulasyon upang maiwasan ang anumang aberya sa kanilang pananatili sa South Korea,” dagdag nito.
Inilabas ang abiso bunsod ng mga protesta sa South Korea para ipa-impeach ang kanilang presidente na si Yoon Suk Yeol na nagdeklara ng martial law noong nakaraang Martes, December 3.
Binawi rin ang naturang deklarasyon ilang oras makaraang itong ideklara dahil sa pagtutol ng mga mambabatas at mga mamamayan.
Humingi ng paumanhin si Yoon sa kaniyang ginawa pero hindi siya nagbitiw sa posisyon. Nakaligtas din siya sa impeachment makaraang i-boykot ng ruling party ang proseso noong Sabado. — FRJ, GMA Integrated News