Naghain ng disbarment case sa Korte Suprema nitong Miyerkoles si Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon laban kay Vice President Sara Duterte upang matanggalan ang huli ng lisensiya bilang abogado.

Hiniling ni Gadon, isa ring dating abogado pero natanggalan ng lisensiya, sa mga mahistrado na magsagawa ng motu proprio proceeding laban kay Duterte kasunod ng mga naging pahayag nito laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Such statements coming from the second highest official of the land, seen and heard by millions of Filipinos are undoubtedly illegal, immoral, and condemnable," saad ni Gadon sa kaniyang sulat sa SC.

“As a lawyer herself, she should be disbarred,” giit niya.

Una rito, sinabi ni Duterte noong Sabado ng umaga na may kinausap na siya para patayin sina Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez, kung sakaling may pumatay din sa kaniya.

Nilinaw ni Duterte kinalaunan na hindi pagbabanta ang kaniyang pahayag, at sa halip ay ipinahayag lang ang tungkol sa banta sa kaniyang sariling buhay.

Tinawag niyang "taken out of logical context" ang kaniyang sinabi.

Sa kabila nito, ikinunsidera ng mga awtoridad na seryosong banta sa buhay ng pangulo na dapat seryosohin at isang "matter of national security" ang naging pahayag ni Duterte.

Bukod sa paghahain ng disbarment case, sinabi ni Gadon na dapat magbitiw na lang sa puwesto si Duterte.

“Mag-resign siya. Dahil sinisiguro ko, siguradong-sigurado ako, na sa next Congress siya ay i-impeach,” ani Gadon.

Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ng Office of the Vice President (OVP) tungkol sa reklamo ni Gadon.

Kasabay nito, sinabi ni Gadon na maghahain siya ng impeachment cases laban sa mga mahistrado ng SC kapag hindi inaksyunan ang kaniyang reklamo laban kay Duterte.

“If the Supreme Court has applied it wrongfully in the circumstance of Atty. Larry Gadon, there is no reason that the Supreme Court can not apply it rightfully to Sara Z. Duterte-Carpio,” saad niya sa sulat, patungkol sa umano'y dinanas niyang “injustice, unfairness, and extreme discrimination” mula sa SC.

Una rito, sinabi ni SC Spokesperson Atty. Camille Sue Ting, na may natanggap silang anonymous complaint para sa disbarment ni Duterte kaugnay sa pahayag nito tungkol sa bantang paghukay sa bangkay ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr, at itatapon umano ng pangalawang pangulo sa West Philippine Sea.

May nauna nang disbarment cases laban kay Duterte na nakabinbin pa sa SC. Ang isa ay patungkol sa pagsuntok niya sa isang court sheriff na nagsisilbi ng demolition order noong alkalde pa lang si Duterte ng Davao City noong 2011.--mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News