Iniutos ng korte na ilipat si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy sa Pasig City Jail, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Sa press briefing nitong Miyerkoles, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na inilabas ng korte ang kautusan noong November 22.

Ayon pa kay Fajardo, inaasahan na ngayong araw maililipat si Quiboloy sa Pasig City jail bilang pagsunod sa kautusan ng korte.

Mula nang arestuhin, nasa nakadetine ang religious leader sa PNP Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City. Pero nabigyan siya ng medical furlough at dinala sa Philippine Heart Center.

Nahaharap si Quiboloy sa mga kasong qualified human trafficking sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208.

Bukod pa sa kasong paglabag sa Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 or the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. — mula sa ulat Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News