Tinanggap ng United States District Court for the Central District of California ang guilty plea ng umano'y isang administrador ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na pinamumunuan ni Pastor Apolo Quiboloy.
Sa desisyon, tinanggap ni Judge Terry Hatter Jr., ang guilty plea ni Marissa Duenas, umano'y human resources manager ng KOJC sa Van Nuys, sa kasong "conspiracy to defraud the US" kapalit ng mas mababang parusa.
Sinabi ni Hatter na kinumpirma ni Duenas na nauunawaan nito ang pinasok na plea agreement.
Sa kasunduhan, umamin si Duenas na nagsagawa sila ng kaniyang mga kasamahan ng mga pekeng kasal para sa mga kasapi ng KOJC at mga kasapi na US citizens, para mapantili ang US immigration status ng mga ito.
Sa court document, inihayag ni Duenas na kusa niyang ibinigay ang mga impormasyon at hindi siya tinakot o pinilit kaugnay sa ilegal na operasyon umano ng KOJC sa California.
Sinabi naman ni Hatter na, "the court finds factual and legal basis for the plea, and the plea is free of any coercive influence."
“There have been no promises of any kind made to the Defendant by anyone and no threats of coercion have been exerted upon Defendant in any manner,” dagdag nito.
Inilagay ng korte si Duenas sa Probation Office para sa imbestigasyon at paghahanda sa pre-sentence report kaugnay ng ipapataw na parusa sa kaniyang pagkakasala.
Nakatakdang ihayag ang hatol kay Duenas sa February 24, 2025. Habang gagawin sa November 18, 2024 ang plea hearings para sa mga KOJC official na sina Amanda Estopare at Guia Cabactulan.
Nakikipagkasundo rin sina Estopare at Cabactulan sa US Attorney’s Office para mabawasan ang kanilang magiging sentensiya.
May arrest warrant din ang US laban kay Quiboloy para sa kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children; conspiracy; at bulk cash smuggling.
Nakadetine sa Pilipinas si Quiboloy dahil sa kinakaharap na mga kasong child abuse case at qualified trafficking.
Itinanggi ni Quiboloy ang mga paratang. —mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr/FRJ, GMA Integrated News