Para sa 85-anyos na ngayon na si Dean Hauck, matagal na sana siyang patay kung hindi tinulungan ng mga Pilipino ang mga sundalong Amerikano upang makarating agad sa University of Sto. Tomas sa Maynila upang iligtas sila na ginagawang mga bihag ng mga sundalong Hapon noong World War 2.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, nakausap niya si Hauck, na founder at may-ari ng Michigan News Agency, sa Kalamazoo, Michigan sa Amerika.
Ipinanganak si Hauck sa Baguio noong 1939, dalawang taon bago salakayin ng puwera ng Japan ang Pearl Harbor sa Hawaii.
Ayon kay Hauck, sunod na inatake ng mga Hapon ang Clark Field sa Pampanga, na dating may base militar ang Amerika.
Bilang mga bihag, dinala si Hauck, kasama ang kaniyang ina at kapatid sa UST na nagsilbing pinakamalaking kampo o internment camp para sa mga bihag na Amerikano at Pinoy.
Ang ama ni Hauck, kabilang naman sa mga nagbuwis ng buhay nang maging miyembro ng gerilya na lumaban sa mga Hapon.
Sa murang edad at ilang taon na pananatili sa internment camp sa UST, naging matatag ang loob ni Hauck. Nakilala rin niya ang ibang kabataang Pilipino na kasabayan niyang natutong magbasa doon sa pagtuturo ng kaniyang ina.
Nang matupad ang pangako ni General Douglas Macarthur sa Pilipinas na "I shall return," nabuhayan ng pag-asa sina Hauck na makakalaya na sila sa kamay ng mga Hapon.
Ngunit natunugan umano ng mga Hapon ang gagawing pagsagip sa kanila ng mga sundalong Amerikano sa UST. Ayon kay Hauck, pinahihilera ng mga sundalong Hapon ang mga bihag para patayin.
Mabuti na lang umano na nakarating agad sa UST nang maaga kaysa sa inaasahan ang mga sundalong Amerikano, sa tulong ng mga Pilipino kaya nakaligtas sila.
Ito umano ang dahilan kaya buhay pa siya hanggang ngayon
Mula nang makarating sa Amerika matapos ang digmaan, hindi na bumalik si Hauck sa Pilipinas na kaniyang bansang sinilangan dahil sa masakit na alaala.
Pero kahit hindi na siya bumalik sa Pilipinas, nananatili naman daw na buhay sa kaniyang puso ang pagmamahal ng niya sa mga Pilipino.--FRJ, GMA Integrated News