Hindi maiuuwi sa Pilipinas ang labi ng Pilipino na binitay sa Saudi Arabia dahil sa umiiral na batas sa naturang bansa. Napag-alaman din na mayroon pang siyam na Pinoy ang nakahilera sa bitayan, at isa rito ay Saudi national din ang biktima.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, inihayag ng Philippine Embassy sa Riyadh na hindi pinapayagan ng KSA na makauwi sa kani-kanilang bansa ang iba pang nabitay doon.
"Kahit gustuhin nating iuwi, yung mga nakaraang execution ganun din po yung naging procedure nila dito. They do not allow the remains of those executed to be return the sending countries," sabi ni Riyadh Charges d’ Affaires Rommel Romato.
Nitong nakaraang Oktubre 5 nang binitay ang Pinoy dahil sa salang pagpatay sa isang Saudi national.
Hindi pumayag ang pamilya ng biktima na makipag-areglo o tumanggap ng tinatawag na "blood money."
Napatay ng Pinoy ang biktima sa pamamagitan ng pagpalo ng martilyo sa ulo matapos na mag-away ang dalawa dahil sa negosyo.
Ayon kay Romato, tumulong ang Saudi government na iaantala ang pagbitay sa Pinoy upang magkaroon ng sapat na panahon na makahingi ng tawad sa pamilya ng biktima ngunit hindi talaga payag ang kampo nito.
Sinabi ni Sheikh Mahid Mangondaya na nag-aral ng Islamic Law sa Saudi Arabia, "mata sa mata" ang Sharia’h Law na nakabase sa Q’uran.
"Ang pagbibigay ng parusang katumbas ng pinsalang ginawa ng isang tao laban sa iba," saad niya.
Buong pamilya rin umano ang magdedesisyon kung magbibigay sila ng patawad sa nakagawa ng kasalanan.
Ayon din sa embahada, may siyam pang Pilipino ang nasa death row. Ang isa rito, nakapatay din ng Saudi national na sinusubukan na maisalba para hindi na maulit ang nangyari noong Oktubre 5.
Nakikipag-usap naman daw ngayon ang pamilya ng biktima sa naturang kaso ng isang Pinoy na nasa death row.
Hindi raw karaniwang sinasabi ng Saudi government kung kailan gagawin ang mga pagbitay pero patuloy na nakikipag-ugnayan ang gobyerno sa mga awtoridad doon.
"Hopefully magkaroon ng forgiveness within the year. Pero ang kinakatakutan natin ay within the year din magkaroon ng execution because matagal na itong nakaiskedyul at anytime puwedeng ma-execute," ayon kay Romato.--FRJ, GMA Integrated News