Muling ginimbal ng mga pagsabog ng mga electronic devices ang Lebanon na balwarte ng grupong Hezbollah. Isang araw matapos ang sunod-sunod na pagsabog ng pager, mga wakie-talkie naman ang sumabog na ikinasawi ng 20 tao at mahigit 450 ang sugatan.
"The wave of enemy explosions that targeted walkie talkies... killed 20 people and wounded more than 450," ayon sa inilabas na pahayag ng health ministry ng Lebanon, mula sa ulat ng Agence France-Presse.
Sa video naman ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing mga gadgets na pag-aari ng Hezbollah ang mga sumabog na hand-held radio, ang paramilitary group sa Lebanon na sumusuporta sa Hamas sa laban nito sa Israel.
Ang naturang mga pagsabog ang itinuturing "biggest security breach" ng Hebollah.
Tingin ng ilang ekperto, ilang buwan plinano ang naturang kakaibang uri ng pag-atake.
Itinanim umano ang mga detonator sa mobile devices bago ibinenta sa mga miuyembro ng Hezbollah.
Siyam ang nasawi sa pagsabog ng mga pager, kabilang ang isang bata, at nasa halos 3,000 naman ang nasugatan.
Itinuturing mas "ligtas" gamitin ang mga pager bilang paraan ng pagtanggap ng mga mensahe upang hindi matiktikan ng mga kalaban.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang Israel kung sila nga ba o hindi ang nasa likod ng mga nangyaring pagsabog ng communication devices sa Lebanon.--FRJ, GMA Integrated News