Hinatulan ng korte sa Florida, USA na makulong ng hanggang 30 taon ang isang Filipino cruise ship employee na naunang nabistong naglalagay ng hidden cameras sa mga banyo at mga kuwarto ng kanilang guest.
Ayon sa US Attorney's Office - Southern District of Florida, sinentensiyahan ni US District Court Judge Melissa Damian ng pagkakakulong ng hanggang 30 taon ang akusado na si Arvin Joseph Mirasol, na naunang naghain ng guilty plea sa kasong paggawa ng child pornography.
Si Mirasol ay stateroom attendant na nakatoka sa mga passenger cabins sa pinapasukan niyang cruise ship.
Nabisto ang ginagawang krimen ni Mirasol noong nakaraang Pebrero nang makita ng isang guest sa cruise ship ang hidden camera sa loob ng banyo.
BASAHIN: Pinoy cruise ship employee na naglagay ng hidden camera sa banyo ng mga guest, bistado, arestado
Iniulat ng guest sa ship security ang nakita niyang camera.
Pinigil ng security officers sa barko si Mirasol at ibinigay sa mga awtoridad nang makarating sila sa Port Everglades sa Fort Lauderdale noong Marso 3.
"Once the ship docked, on March 3, Homeland Security Investigations (HSI) and Customs and Border Protection (CBP) personnel boarded the ship and began their investigation," saad sa inilabas na pahayag ng US Attorney's Office.
Lumitaw sa imbestigasyon na mayroong mga videos si Mirasol ng mga batang nakahubad na nasa edad dalawa hanggang 17.
Natuklasan din na naglalagay si Mirasol ng mga camera sa mga passenger cabins mula pa noong December 2023.
Iniulat na aminado si Mirasol sa nagawang krimen dahil hindi umano niya makontrol ang kaniyang sarili—mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ,GMA Integrated News