Sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) nitong, pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong Marcos" Jr. ang mga overseas Filipino worker (OFW), kasabay ng pagtiyak na patuloy na gagawa ang gobyerno ang mga programa para kanilang proteksyon at mga serbisyo.
"Patuloy ang ating pagtulong sa mga OFWs. Hindi ito natatapos sa kanilang paglisan sa bansa," sabi ni Marcos sa kaniyang talumpati.
Ipinunto ni Marcos ang pagbubukas ng mga karagdagang mga espesyal na pasilidad at serbisyo gaya ng OFW Lounge sa NAIA at Seafarer’s Hub sa Maynila.
"Ang mga OFWs nating naapektuhan ng sari-saring mga kaguluhan — tulad sa Israel, sa Gaza, Sudan, Lebanon, at Yemen — ay natulungan natin at naiuwi nang ligtas sa bansa. Gayundin ang naging pagtulong natin sa mga kababayan nating nasalanta ng kalamidad at krisis, tulad sa Taiwan at New Zealand," pagpapatuloy niya.
Tiniyak din ng pangulo ang "pagtanggap at paglingap" ng gobyerno sa mga OFW na kinakailangang umuwi ng bansa.
"Ang nagbabalik-bayang mga OFWs, kasama ang kanilang pamilya, ay sinusuportahan nating mabuti upang maging maayos ang kanilang bagong simula dito sa bansa — para makakuha ng magandang trabaho o 'di kaya’y makapagtayo ng negosyo," patuloy ni Marcos.
Iniulat ni Marcos na inumpisahan na ng Saudi Arabia ang pamimigay ng tseke sa mga OFW na nawalan noon ng trabaho sa naturang bansa. Idinagdag niyang unti-unti nang nababayaran ang mga naapektuhang OFWs doon.
Ipinahayag din ni Marcos ang kaniyang pasasalamat sa Crown Prince ng Saudi Arabia na si Mohammed Bin Salman.
Ayon pa sa pangulo, nakikipag-usap ang Pilipinas sa ibang bansa para sa kapakanan ng mga OFW na nagresulta sa kanilang proteksyon at pagkakaroon ng mga de-kalidad na trabaho para sa mga Pinoy abroad.
"Through intense Philippine lobbying, the UN has adopted the resolution on 'Promoting and Protecting the Enjoyment of Human Rights of Seafarers.' This will ensure their safe and decent living and working conditions at sea — a human rights imperative," diin ni Marcos.
Binanggit ni Marcos ang datos mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas, mahigit $37 bilyon ang naipasok sa bansa ng OFWs noong nakaraang taon sa pamamagitan ng remmittances.
"Sadyang napakalaking tulong nito sa ating bumabangon na ekonomiya," sabi ni Marcos. "Kaya hindi lamang pasasalamat, kundi parangal ang ating ipinapaabot sa lahat ng ating mga OFWs. Sana ay napapanood nila ito. Ramdam na ramdam hanggang dito sa ating bansa ang inyong sakripisyo," sabi ng pangulo.-- FRJ, GMA Integrated News