Matapos ang isang taon mula nang magtrabaho bilang factory worker sa Taiwan, makakauwi na sa Pangasinan ang isang inang overseas Filipino worker (OFW) para magbakasyon. Kaya naman naisipan niyang sorpresahin ang kaisa-isa niyang anak na lagi niya noong katabi sa pagtulog. Panoorin ang may kurot sa pusong eksena ng kanilang pagtatagpo, at muling pagkakalayo.
Sa programang "Good News," ikinuwento ng inang OFW na si Irene Habana na hindi naging madali sa kaniya ang desisyon na magtrabaho sa Taiwan at mapalayo sa kaniyang pamilya, lalo na sa anak niyang Niel, na anim na taong gulang lang noon.
"Yung pamumuhay namin doon kahit na minsan [ang pagkain] sardinas, itlog, noodles ok na po 'yon sa amin," masayang pagbahagi ni Irene.
"Basta [ang mahalaga] makapagpadala lang po dito sa 'Pinas," dagdag niya.
Pero para sa kinabukasan ng kaniyang pamilya at pag-aaral ng kaniyang anak na si Niel, tiniis ni Irene na mapalayo sa kaniyang mga mahal sa buhay.
Kahit nasa Taiwan na, lagi pa ring iniisip ni Irene ang kalagayan ng kaniyang anak dahil batid niyang nahirapan din ito noong una nang magkalayo sila.
"Kasi nahihirapan din siya noon una hindi siya makatulog. Kasi nasanay siyang laging ako ang katabi sa gabi," kuwento pa ni Irene.
"Malungkot, gusto ko magkasama kami ni mama," sabi naman ni Niel.
Para maibsan ang lungkot, ikinuwento ni Neil na nakabukas ang kaniyang cellphone at naka-videocall sila ng kaniyang ina kapag matutulog na siya.
Kasama naman ni Niel ang kaniyang ama pero sadyang close daw ang mag-ina, at iba pa rin ang pagmamahal ng ina.
Kaya nang mapayagan nang magbakasyon, kinasabwat ni Irene ang kaniyang mga pamangkin para sorpresahin niya si Niel.
Sa isang fast food restaurant, naiwan na mag-isa si Niel sa upuan nang bigla siyang tabihan ng isang babae na naka-sunglass, facemask at sombrero.
Makikita sa mga mata ni Niel ang pagkabigla nang tabihan siya at subuan ng misteryosong babae.
Pero napansin daw ni Niel ang kilay ng babae at sapatos na kamukha nang sa kaniyang ina, siya na mismo ang nag-alis sa suot na salamin ng babae.
Nang makumpirma niya na ang kaniyang ina ang tumabi sa kaniya, mahigpit niya itong niyakap.
"Sobra ko po siyang na-miss," sabi ni Niel.
Habang nasa Pilipinas, sinulit ang mag-ina ang mga araw na magkasama sila, maging sa pagtulog.
Pero nang matapos na ang bakasyon ni Irene at muli na siyang aalis, ipinaliwanag niya kay Niel kung bakit kailangan niya itong gawin.
"Inexplain ko po sa kaniya na kailangan ko pong umalis para matapos po yung bahay namin, para magkaroon po ng sariling bahay, and then makapag-ipon po para makatapos ng pag-aaral po [si Niel]," ayon kay Irene.
Si Niel, gumawa naman ng sulat na pabaon niya sa kaniyang mahal na ina para sa pag-alis nito.
Tunghayan ang laman ng sulat na binasa mismo ni Niel na nagpaiyak sa kaniyang ina. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News