May panibagong barko o bulk cargo carrier na may mga sakay na tripulanteng Pinoy ang inatake ng militanteng grupong Houthi sa Red Sea.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing ligtas ang lahat ng 27 Filipino seafarers na sakay ng MV Transworld Navigator.
"All Filipinos of 27 ligtas na po sila, the vessel was hit pero not enough to immobilize the ship so it managed to sail on. Right now it is on safer ground. I just can't say the exact location," ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac.
Kinumpirma ng Houthi na isa ang Transworld Navigator sa mga barko na kanilang inatake nitong weekend gamit ang uncrewed surface boat.
Isa sa mga Filipino crew na si Joel Almerol, ang nagkuwento sa kaniyang kapatid na si Dominic sa nangyaring pag-atake ng Houthi.
Ang unang pagsabog, nakalikha umano ng sunog sa bahagi ng barko pero agad ding naapula. Dahil may mga nabasag na salamin ng bintana, nanatili ang mga sakay ng barko sa hallway.
"Thrice daw silang binomba. ...Natutulog na siya noon, nagising siya sa malakas na pagsabog. Yung tatlong beses na 'yon talagang nung binalita niya, grabe na 'yung kaba ko," ani Dominic, isang television broadcaster.
"Wala na kaming tigil sa kakaiyak nung araw na yun lalo na nakita ko ang video nang umaapoy, parang umaapoy, parang sabi ko hindi ko kakayanin na mamatay yung kapatid ko sa ganyang sitwasyon," dagdag niya.
Ayon kay Dominic, sinabihin siya ng kapatid nang malampasan na nila ang lugar na mapanganib sa Red Sea.
Bagaman nagtamo ng pinsala, nakapagpatuloy pa rin sa paglalayag ang barko.
Samantala, naghihintay pa rin ang DMW sa bagong impormasyon tungkol sa nawawalang Pinoy na sakay ng barkong MV Tutor, na inatake rin ng Houthi at lumubog.—FRJ, GMA Integrated News