Nangangailan ang bansang Austria ng professional workers para sa hospitality, healthcare at information technology/engineering sectors.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing batay sa impormasyon mula sa Department of Migrant Workers (DMW), ang magtatrabaho sa hospitality sector ay makatatanggap ng katumbas na sahod na mula P124,000 hanggang P186,000.

Nasa P155,000 hanggang P255,000 ang sa healthcare sector; at ang IT/engineering sector ay mula P186,000 hanggang P373,000.

May pagkakataon din na maging permanent resident sa Austria ang mapalad na matatanggap.

Maging ang kanilang kamag-anak, maaaring magtrabaho sa Austria, ayon pa sa ulat. —FRJ, GMA Integrated News