Dumating nitong Huwebes sa Pilipinas mula sa Israel ang 60 overseas Filipino workers (OFWs) matapos magpatulong na makauwi, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Dahil dito, sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at DMW na umabot na sa kabuuang 879 Pilipino ang natulungang makabalik sa bansa mula sa Israel, na patuloy ang tensyon dahil sa giyera sa Hamas.
"This is the largest batch of returning OFWs to come home to the Philippines, availing of the government's voluntary repatriation program in the wake of the hostilities that erupted in October last year between Israel and Hamas, the militant Palestinian group," ayon sa DMW.
Mayroon umanong isang OFW ang nabigong makasakay ng eroplano at makauwi sa Pilipinas matapos na sumama ang pakiramdam.
Dinala ng Philippine Embassy and Migrant Workers Office—Abu Dhabi officers ang naturang OFW sa ospital para masuri ang kaniyang kalagayan.
Tiniyak naman na matutuloy ang kaniyang pag-uwi sa sandaling bumuti ang kaniyang pakiramdam at maaari na siyang bumiyahe.
Mula nang magsimula ang kaguluhan sa Israel noong October 2023, nananatili ang digmaan dahil sa pagtuloy na pagsalakay ng Israel sa Hamas sa teritoryo nito sa Gaza Strip.
Nananatili rin ang banta ng mga kaalyado ng Hamas at mga Palestino, kontra sa Israel.
Dahil sa kaguluhan sa Israel, inilagay ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 2 ang naturang bansa. Ibig sabihin, pinapaalalahanan ang mga Pinoy doon tungkol sa restriction sa non-essential movements, iwasan ang mga lugar na may protesta, at maghanda sa posibleng paglikas.
Tinatayang mayroong 27,000 Pinoy sa Israel. — FRJ, GMA Integrated News