Pito sa 25 crew ng Portuguese-flagged ship na kinubkob ng Iran malapit sa Strait of Hormuz noong Abril ang pinakawalan ng Iran. Kabilang sa mga pinakawalan ang isang Pinoy.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng foreign ministry ng Portugal na ang mga pinalayang crew ay binubuo ng limang Indiano, isang Entonian, at isang Pinoy, na mula sa MSC Aries.
Isang Indian crew member ang nauna na umanong pinalaya ng Iran.
Ikinalugod ng Portugal ang bagong pangyayari pero iginiit nila ang "immediate release" ng natitira pang 17 crew ng MSC Aries.
Kinubkob ng puwersa ng Iran ang barko sa Strait of Hormuz dahil na rin sa girian nito sa Israel.
Naniniwala ang Iran na may kaugnayan ang Israel sa naturang container ship na kanilang kinubkob.
"It is certain that this ship belongs to the Zionist regime," sabi noon ng Iranian foreign ministry spokesman.
Ipinatawag noong Abril 16 ng Portugal ang embahador ng Iran, at iginiit na dapat nilang palayain ang barko at mga sakay nito.
Noong Abril 27, sinabi ng Iran na ikinukonsidera nila ang pakawalan ang iba pang crew members.
Una rito, kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na may apat na Filipino seafarers na kabilang sa mga crew na sakay ng MSC Aries.— mula sa ulat ng AFP/FRJ, GMA Integrated News