Sinimulan na ang paglilinis sa iba't ibang lugar sa United Arab Emirates at Oman matapos makaranas ng matinding pag-ulan. Inaalam naman ng pamahalaan ng Pilipinas kung totoo na may dalawang overseas Filipino worker ang nasawi matapos umanong makoryente.
Sa ulat ng Reuters, sinabing may isang nasawi sa UAE dahil sa ilang araw na matinding ulan na nagpalubog sa baha sa maraming lugar, maging ang mga mall at airport.
Ayon sa national meteorology center, umabot ang buhos ng ulan sa Al Ain, lungsod sa UAE-Oman border, sa 254 mm (10 inches) sa loob ng wala pang 24 oras.
Ito umano ang pinakamatinding buhos ng ulan mula noong 1949. Sinabi ring katumbas na ng pang-isang taon ang dami ng tubig-ulan na bumuhos sa UAE.
Hindi umano sapat ang drainage infrastructure sa UAE para tanggapin ang ganoong katindi ng pag-ulan na dahilan para lumubog sa baha ang maraming lugar.
Bukod sa climate change, pinaniniwalaan na nakadagdag sa dami ng ulan ang isinagawa umanong cloud seeding operations.
Pero itinanggi ng isang forecaster mula sa national meteorology center na may ginawang cloud seeding operations bago nangyari ang pag-ulan.
Una nang iniulat na may 18 katao ang nasawi sa pag-ulan sa Oman, at may dalawa pang nawawala.
2 OFWs, nakuryente?
Inihayag naman ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na wala pang naitalang nasawi o nasaktan sa nangyaring matinding pag-ulan at baha sa UAE at Oman.
Pero inaalam nila kung totoo ang impormasyon na may dalawang OFWs ang nasawi matapos makoryente.
"Our consulate is checking with the Filipino community members. There are reports that two unfortunately died of electrocution and we're verifying it. We hope not [true]. We're verifying with the police," sabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega nang makausap ng mga mamamahayag sa Kamara de Representantes nitong Huwebes.
"Other Filipinos are fine, so far. But our consulate has advised the Filipino community — sa Dubai ang worst, 'no? — to follow the local government rules to stay at home," ani De Vega.
Ito rin ang inihayag ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, tungkol sa nasawing dalawang OFW.
"I'm still waiting for the report but as of last night, ibang nationalities daw. That’s the report I got last night. And no Filipinos harmed or injured," sabi ni Cacdac sa hiwalay na panayam.
Sa pahayag ng DMW, sinabi nito na mamamahagi ang Philippine offices sa Abu Dhabi at Dubai ng mga relief goods, basic necessities, at other essential items sa mga OFW communities sa Al Ain at Dubai, na matinding naapektuhan ng pag-ulan.
"MWO (Migrant Workers Office) Dubai and Abu Dhabi are working closely with the Philippine Embassy and Consulate General and coordinating with Filipino communities to assist our OFWs," sabi sa pahayag.
Ayon kay Cacdac, mayroong 648,929 Pilipino sa Dubai at wala namang humihingi ng tulong para makauwi na sila sa Pilipinas dahil sa nangyaring kalamidad sa UAE, ganoon din sa mga OFW na nasa Oman. —FRJ, GMA Integrated News