Naglabas ng isang pahayag ang Department of Migrant Workers (DMW) para bigyan ng babala ang mga overseas Filipino worker (OFW) at kanilang pamilya laban sa mga nagpapanggap umano na lehitimong investment platforms at naghihikayat na magpasok sa kanila ng pera bilang puhunan.
Sa naturang pahayag nitong Miyerkoles, tinukoy ng DMW ang isang Trade 13.0 Serax na hindi umano rehistrado at hindi rin lisensiyadong korporasyon, o One Person Corporation, batay sa impormasyon mula sa Securities and Exchange Commission Philippines.
"Ine-engganyo ng TRADE 13.0 SERAX ang mga Pilipino na mag-invest ng kanilang perang pinaghirapan sa pamamagitan ng clickbait – ang paggamit ng makatawag-pansin na headline na umano’y mula sa isang kilalang news organization," ayon sa DMW.
"May link sa loob ng artikulo kung saan ituturo ang biktima sa isang kahina-hinalang website na nag-aalok ng return of investment (ROI) na nakakapang-akit sa interes nang marami dahil sa taas ng balik sa perang in-invest," patuloy nito.
Sinabi ng DMW na para lalo pang makahikayat ng mga mabibiktima, may mga testimonya umano sa ilang kilalang personalidad o celebrity na hindi naman napapatunayan at nakalagay sa kahina-hinalang website.
"Ang DMW ay nakikipagtulungan sa SEC sa pamamagitan ng kanilang Anti-Scam and Illegal Taking of Investments (ASTIG) campaign, sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at iba pang partners mula sa private sector at sa civil society sa pagpapataas ng kaalaman ng mga OFWs at ng kanilang pamilya sa financial literacy at education," ayon sa pahayag. --FRJ, GMA Integrated News