Nalubog sa baha ang maraming lugar sa Dubai, dahil sa matinding pag-ulan sa Gulf region, na nag-iwan din ng 18 nasawi sa Oman.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing naapektuhan din ng ilang minuto ang operasyon ng airport sa Dubai.
Binaha rin ang Dubai Mall at Mall of the Emirates, at pinasok din ng "ankle-deep" na tubig ang Dubai Metro station.
Inaasahan na magpapatuloy ang pag-ulan sa UAE hanggang Miyerkules.
Ayon sa ulat ng GMA News "Unang Balita," inaalam pa kung may mga Pilipino na naapektuhan sa mga bansang apektado ng pag-ulan sa Middle East.
Dahil sa pag-ulan at pagbaha, 25 minutong sinuspindi ang operasyon sa Dubai airport, at 50 flights ang nakansela.
"Due to the intense storm, operations were temporarily suspended for 25 minutes this afternoon, but have since recommenced, and are now in recovery mode," ayon sa Dubai Airports spokesperson, sa ulat ng AFP.
Dati nang inihayag ng Emirati at Omani government na maaaring magdulot sa kanila ng pagbaha ang nangyayaring climate change.
Nakaranas din ng matinding pag-ulan at baha ang Bahrain sa nakalipas na magdamag.
Dinaanan ng matinding pag-ulan ang UAE, Bahrain at ilang lugar sa Qatar, at ang Oman, na nagdulot ng pagbaha at may mga nasawi.
Sinabi ng mga awtoridad sa Oman News Agency, na isang bangkay ng bata ang ika-18 nasawi dahil sa pag-ulan, at may dalawa pang nawawala.
Siyam na batang estudyante, at tatlong nakatatanda ang kabilang sa mga nasawi nang tangayin ng flash floods ang kanilang mga sasakyan. — mula sa ulat ng AFP/FRJ, GMA Integrated News