Inihayag ng isang mambabatas na dapat pag-ibayuhin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong holy month ng Ramadan na ihingi ng executive clemency ang mga Pilipino na nakakulong sa abroad, partikular sa Muslim countries.
Sa pahayag, sinabi ni Kabayan partylist Rep. Ron Salo, chairman ng House overseas workers affairs, na panahon ng reflection, forgiveness, at renewal ng Islamic faith ang Ramadan, na magandang pagkakataon upang humingi ng executive clemency.
“As Ramadan nears its end, we urge the DFA and Philippine Embassies in Muslim countries to make the necessary representation and actively intercede on behalf of our kababayans who are facing sentences abroad,” ayon sa kongresista.
Batay umano sa datos ng DFA, mayroong 83 Pinoy ang nasa death row hanggang nitong Marso 2023 sa iba't ibang bansa.
Bukod pa rito ang 1,267 Pinoy na nakakulong sa abroad, na karamihan ay nasa Middle East at iba pang Muslim countries.
Ayon kay Salo, karaniwan na nagbibigay ang mga Muslim leader ng royal clemency tuwing Ramadan, pati na ang pagkakaloob ng pardon at pagbabawas ng parusa sa bilanggo.
“Such gestures of goodwill align with the values of compassion and forgiveness emphasized during the holy month,” anang kongresista.
Hinikayat din ni Salo ang iba pang ahensiya ng gobyerno, katulad ng Department of Migrant Workers Affairs, Overseas Workers Welfare Administration, Commission on Filipinos Overseas, at maging ang mga non-government organization, at pamilya ng mga nakakulong na Pinoy sa abroad na suportahan ang DFA sa naturang hakbang.
“We stand in solidarity with our overseas Filipinos and their families during this challenging time, hoping for their eventual return to our home,” ani Salo.
Nagsimula ang Ramadan noong Marso 12. —FRJ, GMA Integrated News