Iniulat ng Russia na mahigit 100 katao na ang nasawi sa nangyaring pamamaril sa concert hall sa Moscow. Sinabi naman ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Sabado na walang Pinoy na iniulat na nasaktan o nasawi naturang terror attack.
"We received information from Usec. Ed de Vega of the @DFAPHL that no Filipino was hurt in the latest terrorist attack in a concert hall in Moscow," saad ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac sa X, na dating Twitter.
"Our deepest sympathies and prayers for the families of the victims of the attack," dagdag ng Cacdac.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi rin ni DFA spokesperson Teresita Daza na ligtas ang mga Pinoy na nasa Russia, batay sa impormasyon mula sa Philippine Embassy doon.
Gayunman, sinabi ni Daza na pinayuhan ang mga Pinoy sa Russia na lalong mag-ingat kasunod ng nangyaring pag-atake.
"The Philippines strongly condemns the heinous attack at the Crocus Hall in Moscow on 22 March 2024, which resulted in the loss of innocent lives, caused injuries to several people, and significantly damaged properties," anang opisyal.
"We extend our deepest condolences to the bereaved families and wish the injured people speedy recovery," dagdag niya.
Ayon sa ulat mula sa awtoridad ng Russia, umabot na sa 115 ang nasawi sa nangyaring pag-atake at marami ang nasaktan at nasugtan.
May naaresto na umanong 11 suspek, kasama na ang sinasabing apat na lalaking namaril sa Crocus City Hall na puno nang mga tao. --may ulat mula sa Reuters/FRJ, GMA Integrated News