Isang 20-anyos na Pinay na nagpakilalang bagong kasal ang hinarang ng Bureau of Immigration (BI) sa NAIA Terminal 3, pati ang kaniyang nagpakilalang asawang Chinese, dahil sa hinalang sangkot sila sa “Mail-Order Bride” scheme.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing palipad ang dalawa sa Shenzhen, China nang harangin ng mga tauhan ng BI.
Bagama’t nakapagpakita ng marriage certificate mula sa Philippine Statistics Authority, nagduda umano ang mga awtoridad sa mga sagot ng Pinay at ng Chinese sa mga itinanong sa kanila ng awtoridad.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, kinalaunan ay nakumpirma na hindi tunay na mag-asawa ang dalawa.
“Umamin ang biktima na nakuha lamang po nila ‘yung marriage certificate through an agency,” sabi ni Sandoval.
Nagbayad pa ang Pinay at ang Chinese ng P45,000 sa ahente upang iproseso ang kanilang marriage certificate.
Nasa kustodiya na ng Inter-Agency Council Against Trafficking o IACAT ang biktima at ang lalaking Chinese na kaniyang kasama para maimbestigahan at masampahan ng kaukulang reklamo.
Bago nito, naharang na rin ng BI ang ilan pang kaso ng “Mail-Order bride” scheme.
Samantala, pinaiimbestigahan din ng Department of Justice sa NBI ang pagkalat ng mga pekeng Philippine documents na ginagamit ng mga banyaga para sa ilegal na gawain.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News