Ipatatawag ng Department of Justice (DOJ) si Vice President Sara Duterte kaugnay sa sinabi ng huli na may kinausap na siyang papatay kina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., First Lady Louise "Liza" Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kapag mayroon masamang nangyari sa kaniya.
Sa Palace press briefing nitong Lunes, sinabi ni DOJ Undersecretary Jesse Andres na may kapangyarihan ang National Bureau of Investigation (NBI) na nasa ilalim ng tanggapan ng kagawaran na magpalabas ng subpoena.
Inihayag iyon ng opisyal matapos sabihin ni Pangulong Marcos nitong Lunes na hahadlangan niya ang "criminal attempts" sa harap ng naturang pahayag ni Duterte nitong weekend.
''Kung ganun na lang kadali ang pagplano sa pagpatay ng isang Presidente, papaano pa kaya ang mga pangkaraniwan na mamamayan?'' sabi ni Marcos sa video statement.
''Yang ganyang krimimal na pagtatangka ay hindi dapat pinapalampas. 'Yan ay aking papalagan,'' dagdag ng pangulo na hindi tinukoy ang pangalan ni Duterte.
Nito ring Lunes, sinabi naman ni Duterte na "maliciously taken out of logical context” ang naturang pahayag niya tungkol sa kinausap niyang papatay umano sa First Couple, at sa lider ng Kamara de Representantes, pinsan ng pangulo.
Inihayag ito ni Duterte kasunod ng deklarasyon ng National Security Council na ikinukonsidera ng konseho na seryoso at "matter of national security" ang mga banta sa pangulo.
Ayon kay NSA Adviser Eduardo Año, masusi silang nakikipag-ugnayan sa "law enforcement and intelligence agencies" upang imbestigahan ang naturang banta, at mga posibleng sangkot.
Pero kinuwestiyon ni Duterte kung bakit hindi siya inimbitahan ng NSC kung nagkaroon ng pagpupulong ukol dito dahil miyembro rin siya ng konseho.
“I would like to see a copy of the notice of meeting with proof of service, the list of attendees, photos of the meeting, and the notarized minutes of meeting where the Council, whether present or past, resolved to consider the remarks by a Vice President against a President, maliciously taken out of logical context, as a national security concern,” ani Duterte.
“Moreover, please submit within 24 hours, an explanation in writing with legal basis why the VP is not a member of the NSC or why as member I have not been invited to the meetings, whichever is applicable,” dagdag niya.-- FRJ, GMA Integrated News