Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ngayong Miyerkoles na makakauwi na si Mary Jane Veloso, na ilang taon nang nakakulong at hinatulan ng parusang kamatayan sa Indonesia dahil sa pagdadala ng ilegal na droga sa naturang bansa noong 2010.

Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos na nakabuo na ng kasunduan ang Pilipinas at Indonesia para payagang makauwi sa Pilipinas si Veloso.

“Arrested in 2010 on drug trafficking charges and sentenced to death, Mary Jane’s case has been a long and difficult journey,” ani Marcos.

“After over a decade of diplomacy and consultations with the Indonesian government, we managed to delay her execution long enough to reach an agreement to finally bring her back to the Philippines,” patuloy niya.

Pinasalamatan ni Marcos si Indonesian President Prabowo Subianto, at ang Indonesian government sa kanilang kabutihang-loob, at pagpapamalas ng dalawang bansa ng pagtutulungan sa usapin ng hustisya at pagmamalasakit.

“Mary Jane’s story resonates with many: a mother trapped by the grip of poverty, who made one desperate choice that altered the course of her life. While she was held accountable under Indonesian law, she remains a victim of her circumstances,” ayon kay Marcos.

“Thank you, Indonesia. We look forward to welcoming Mary Jane home,” dagdag niya.

Nitong nakaraang linggo, inihayag ng Coordinating Ministry for Legal, Human Rights, Immigration, and Correction (Kemenko Kumham Imipas) ng Indonesia na ikinukonsidera ang “transfer of prisoner” o prisoner transfer sa dayuhang bilanggo, kasama si Veloso, na bahagi ng kanilang constructive diplomacy.

Bagaman wala pang nabubuong kasulatan, umaasa ang Department of Foreign Affairs (DFA) na makakauwi si Veloso ngayong Pasko.

“Although hindi pa ito nafa-finalize, ipagdasal natin na matapos na ito na sana by Christmas makauwi na si Mary Jane…We pray that it will be totally a success at hindi ito ma-delay pa para umabot sana, wala akong pangako, pero sana umabot by Christmas,” pahayag ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa Radyo Pilipinas.

Sa panayam naman ng mga mamamahayag sa Palasyo, sinabi ni de Vega na, "If you mean may written agreement, wala pa yung sagot. Pero sila mismo ang pumunta sa atin to talk about this, so we’re extremely confident it will happen."

Naaresto si Veloso sa paliparan ng Yogyakarta noong 2010 na may dalang 2.6 kilos ng heroin, at hinatulan ng parusang kamatayan.
 
Iginiit ni Veloso na inosente siya at biktima ng human trafficking.

Noong 2015, ipinagpaliban ng noo'y Indonesian President Joko Widodo ang pagpapatupad ng parusang kamatayan kay Veloso nang mahuli sa Pilipinas ang mga nag-recruit kay Veloso na sinasabing nasa likod ng pagdadala ng ilegal na droga sa Indonesia.

Noong 2020, hinatulan ng korte sa Nueva Ecija na guilty sa kasong illegal recruitment ang mga bumiktima kay Veloso na sina Julius Lacanilao at Cristina Sergio. Nakabinbin naman ang desisyon sa kasong human trafficking.

Nitong nakaraang Enero, sumulat pamilya ni Veloso kina Marcos at Jokowi para iapela ang kapatawaran para kay Mary Jane.mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News