Nahuli-cam ang pagbato ng isang matandang babae sa kotseng dumaan sa tapat ng kaniyang bahay sa Vintar, Ilocos Norte. Ang driver ng kotse, rumesbak naman at hinampas ng bakal ang bahay ng matanda.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, ipinakita ang closed circuit television (CCTV) footage sa ginawang pagbato ng kahoy ng 74-anyos na si Renie Leaño, sa isang kotse na dumaan sa tapat ng kaniyang bahay.

Tumigil ang kotse at bumaba ang driver nito na may hawak na bakal na ipinanghampas niya sa labas ng bahay ni Leaño, na nang sandaling iyon ay pumasok na sa loob.

Nag-report si Leaño sa pulisya kaugnay ng insidente, at sinabing mabilis umano ang takbo ng kotse at muntik nang masagasaan ang aso sa labas ng kaniyang bahay.

Nag-report naman ang driver sa barangay kaugnay sa ginawa ni Leaño.

Hindi pa malinaw kung nagkasundo na ang dalawa.

Noong nakaraang Marso, naging viral online si Leaño dahil sa pagbato niya sa isang rider na dumaan din sa tapat ng kaniyang bahay.

Nang magkausap ang dalawa sa harap ng mga awtoridad, humingi ng paumanhin si Leaño at sinabing nagawa lang niya ang pambabato dahil sa mental at emotional stress.

Nangako rin siya na hindi na uulitin ang ginawa.-- FRJ, GMA Integrated News