Pinabulaanan ni Speaker Martin Romualdez ang mga alegasyon ni Vice President Sara Duterte, kabilang ang umano'y plano niya na ipapatay ang huli. Giit ng lider ng Kamara de Representantes, desperado lang si Duterte na ilayo ang atensyon mula sa kaniyang confidential funds na iniimbestigahan ng mga kongresista.

Nitong Lunes, tumayo at nagtalumpati si Romualdez sa sesyon ng Kamara para kondenahin ang mga pahayag ni Duterte na layon umanong maghasik ng kaguluhan.

“Let us address another serious matter. The Vice President's unfounded and baseless accusations that I am plotting to destroy her because of alleged political ambitions for 2028 elections. My colleagues, these accusations are not only untrue. They are a desperate attempt to distract from the real issues at hand,” ani Romualdez.

“Malinaw ang katotohanan. Ang trabaho ko bilang Speaker ay maglingkod, hindi manira. Ang politika ng paninira ay kailanman hindi naging bahagi ng aking prinsipyo. These unfounded accusations are not just about me. They are an affront to the House of Representatives,” dagdag niya.

Una rito, sinabi ni Duterte na pinagpaplanuhan umano ni Romualdez na ipapatay siya. Idinagdag ng pangalawang pangulo na may kinausap siya na kung may mangyari sa kaniya ay dapat din nitong patayin si Romualdez, pati sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., at First Lady Liza Marcos.

Si Romualdez ay pinsan ni Marcos.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Romualdez sa mga kapuwa kongresista na, “[These] are an attempt to erode public trust in this institution, to sow division, and to create chaos. We choose unity over division, dialogue over conflict, and cooperation over confrontation. Why these baseless accusations?"

"The answer is simple: to divert attention from the mounting evidence of fraud used under her leadership and accept vague explanations and evasive responses,” patungkol ni Romualdez sa iniimbestigahan ng mga kongresista tungkol sa mahigit P600 milyon na confidential funds ni Duterte.

"Kung wala kang itinatago bakit hindi sagutin ang mga tanong. Karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan," dagdag pa ni Romualdez, na binatikos din ang hindi umano paggalang ni Duterte sa protocol at seguridad ng Kamara nang magtungo ang bise presidente sa kapulungan para sa samahan ang kaniyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez, na nakadetine roon matapos i-contempt ng mga kongresista.

Kasunod ng talumpati ni Romualdez, may mga kongresista na nanawagan na imbestigahan ang ginawa ni Duterte. Inaprubahan din ng Kamara ang resolusyon na nagpapahayag ng suporta kay Romualdez at kay Marcos.

Sa picture taking ng mga kongresista, kasama si dating pangulong at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, na kilalang kaalyado ni Duterte.— mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News