Mahigit isang buwan makaraang pumanaw sa Kuwait, naiuwi na sa kanilang pamilya sa Ilocos Norte ang mga labi ng babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) nitong Sabado. Ang kaniyang mister, nais na malaman ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng kaniyang asawa.
Sa ulat ni Gab De Luna sa GMA Regional TV One North Central Luzon, napag-alaman na 10 taon nang nagtrabaho sa Kuwait ang 55-anyos na OFW na kinilalala lang bilang si "Linda," na mula sa Pagudpud, Ilocos Norte.
Ayon sa pamilya, Disyembre 29, 2023, nang huli nilang nakausap si Linda, at pagkaraan nito ay hindi na siya sumasagot sa kanilang tawag.
Hanggang nitong nakaraang Enero 11, nakatanggap sila ng masamang balita mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Laoag City, na pumanaw na si Linda.
Nais ng pamilya na maisailalim sa awtopsiya ang mga labi ni Linda para malaman ang tunay na dahilan ng pagkamatay niya.
"Talagang pa-autopsy ko kahit mahirap lang kami, gagawan ko ng paraan para makita ang katotohanan kasi [yung] misis ko pumunta roon para magtrabaho," saad ng kaniyang mister.
"Sabihin nila ‘yung katotohanan, wala ‘yung takipan — sabihin nila ‘yung katotohanan kasi hindi pare-pareho ‘yung sinasabi nila, ‘yung natatanggap namin na balita sa kanila," ayon naman sa kaniyang anak.
Nakikipag-ugnayan naman ang OWWA-Laoag sa Department of Migrant Workers at mga awtoridad tungkol sa nangyari kay Linda, at sa pagtulong sa kaniyang pamilya.
"We are coordinating with the DMW [Department of Migrant Workers] and the OWWA. Kasama namin sila and na-endorse dito sa Laoag International Airport to assist the bereaved family and through this, the human remains transportation ay kinover din ni OWWA and other benefits is maa-apply sa office namin," ayon kay Harold Sahagun, Post Arrival Repatriation Unit Support Staff at OWWA-Laoag Satellite Office.-- FRJ, GMA Integrated News