May karapatan na ang mga Pinoy seafarer na tumanggi na hindi sila sumama sa barkong sinasakyan nila kung dadaan ito sa Gulf of Aden, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac na ang mga Pinoy seafarer na hindi tatangging maglayag sa Gulf of Aden ay maaaring magpa-repatriate at sasagutin ng kompanya ang gastusin.
Tatanggap din ang Pinoy seafarer ng kompensasyon na katumbas ng dalawang buwan na basic wage.
Ang direktiba ay mula sa desisyon ng International Bargaining Forum’s (IBF) na palawigin ang sakop ng high-risk areas (HRAs) sa kabuuan ng Gulf of Aden.
Kasama sa expanded HRA ang buong southern section ng Red Sea, at buong Gulf of Aden sa karagatang sakop ng Yemen sa Arabian Peninsula, hanggang sa karagatan ng Eritrea sa Horn of Africa region sa Eastern Africa.
Ayon pa sa DMW, dapat ding makatanggap ang mga maaapektuhan seafarer ng mga sumusunod:
- a bonus equal to the basic wage, payable for five days minimum + per day if longer
- a double compensation in case of death and disability
- a mandatory requirement to increase security arrangements equivalent to ISPS Level 3
“The expansion of the scope of ‘high risk areas’ to include the Gulf of Aden serves as a necessary step towards providing stronger protection and promoting stricter security measures to safeguard Filipino seafarers and all seafarers working onboard ships navigating in such HRAs,” saad sa inilabas na pahayag ni Cacdac.
Nanawagan din si Cacdac sa mga employer ng mga Filipino seafarer na sumunod sa mga kinakailangang hakbang para maiwasan ang panganib sa paglalayag katulad ng rerouting ng mga barko at maglagay ng armed security personnel.
Umaasa din ang opisyal ng DMW na patuloy ang diplomatic efforts upang maibsan ang tensyon na bunga ng kaguluhan sa Middle East.
Noong November 2023, dalawang Filipino seafarer ang kasama sa mga nakasakay na chemical tanker na na-highjack sa Gulf of Aden.
Noong nakaraang Disyembre, isang container ship na may sakay na 15 Filipino crew members ang tinamaan sa drone attack ng Yemeni Houthi rebels malapit sa Red Sea.
Mapalad na walang nasaktan sa naturang pag-atake. —FRJ, GMA Integrated News